MY REFLECTIONS ON MATTHEW 22:1-14
🌾Anong mayroon?
☘️May engrandeng kasalan
☘️May nag-imbita. Ito ay ang hari. Siya ay naghanda at nagbigay ng pagsisikap para makarating ang mga inimbitahan.
☘️May mga sinugo para mag-imbita. Ang mga lingkod ng hari. Sila ay sumunod sa utos kahit kapalit ay buhay nila.
☘️ May mga inimbitahan
1. May unang inimbitahan. Sila ay tila mga tao na may personal na relasyon sa hari. Ngunit ayaw nilang dumalo at may kanya-kanya silang kaabalahan at inuunang mga gawain. Hindi nila pinaglaanan at pinaghandaan ang araw ng kasal. Ang masaklap pa, pinatay ng iba sa kanila ang mga sinugo ng hari para sila ay puntahan at imbitahan. Sila ay hindi karapat-dapat.
2. May pangalawang inimbitahan. Sila ang mga tao na tila walang personal na relasyon sa hari. Masasama man o mabubuti, sila ay tinawag upang maging bahagi ng kasalan, at sila nga ay dumating doon.
☘️ May inimbitahan ngunit hindi nakasuot ng damit pangkasalan. Siya ay kabilang sa pangalawang inimbitahan. Dumating siya ngunit hindi handa dahil dito hindi rin siya naging karapat-dapat.
🌾Ano ang ginawa ng hari?
☘️Siya ay masikap na nag-imbita. Inulit niya pang pinapuntahan ang mga tao sa kanyang mga alagad para makarating sa kasalan.
☘️Siya ay nagsugo ng mga tao para makarating nang handa ang mga taong naimbitahan.
☘️Naghanda siya ng engrande para sa kanyang anak na ikakasal.
☘️Nagalit siya sa mga unang inimbitahan na hindi pinansin ang kaniyang imbitasyon.
☘️Pinapuksa niya ang mga mamamatay-tao pati ang kanilang lungsod na walang awang pinatay ang kaniyang mga isinugo.
☘️Hindi napagod ang hari na mag-imbita. Humanap siya ng ibang tao na handang dumalo sa handaan, masama man o mabuti.
☘️Pumasok ang hari upang tignan ang mga panauhin. (Siya ay nagagalak na makita ang mga panauhin)
☘️Tinanong niya ang taong hindi nakadamit pangkasalan (nagpapahiwatig na pumunta ito nang hindi handa).
☘️Nang hindi makasagot sa tanong ang hindi nakadamit pangkasalan, siya ay pinatalian at pinatapon ng hari sa kadiliman sa labas.
🌾Ano ang implikasyon nito?
☘️Sa iyong buhay espirituwal, mayroon din nag-iimbita sayo, walang iba kundi si Cristo Jesus. Si Jesus ay Diyos ang nag-iisang Hari ng lahat.
☘️Ikaw ay paulit-ulit na iniimbitahan ng Diyos na tanggapin Siya sa iyong buhay. Kagalakan ng Diyos na makasama ka Niya sa Kanyang kaharian.
☘️ Mahalaga sa Diyos na tayo din naman ay maging handang tanggapin ang Kanyang imbitasyon at makarating sa Kanyang kaharian na handa at may malinis na kasuotan.
☘️Kung pilit mong hindi papansinin ang imbitasyon ni Jesus, maaari ka Niyang laktawan. Maghahanap Siya ng iba na handang tumanggap sa Kanyang imbitasyon, at sila lamang ang makakapasok sa Kaniyang kaharian. Makakasalo Niya sa Kanyang hapag-kainan at magtatamasa ng buhay kasama ang Hari.
☘️Ano nga ba ang naghihintay sa taong hindi tumatanggap sa imbitasyon ni Jesus?
Katulad ng taong dumating na hindi nakasuot ng tamang kasuotan na katanggap-tanggap sa hari, hindi sila karapat-dapat sa kaharian ng Diyos.
Mapaparusahan sila sa kanilang kawalan ng pagpapahalaga sa Diyos at hindi pagiging handa na makapasok sa Kanyang kaharian.
🌾Bakit ito mahalaga?
Dahil may kasalan din na magaganap sa Kaharian ng Diyos.
☘️Ang Handaan sa Kasalan ng Kordero
Pahayag 19:5-9
5 May nagsalita mula sa trono, “Purihin ninyo ang ating Diyos, kayong lahat na mga lingkod niya, dakila o hamak man, kayong may banal na takot sa kanya!”
6 Pagkatapos ay narinig ko ang parang sama-samang tinig ng napakaraming tao, parang ugong ng rumaragasang tubig at dagundong ng mga kulog. Ganito ang sabi ng tinig, “Aleluia! Sapagkat naghahari ang Panginoon nating Diyos na Makapangyarihan sa lahat!
7 Magalak tayo at magsaya! Luwalhatiin natin siya sapagkat sumapit na ang kasal ng Kordero at inihanda na ng kasintahang babae ang kanyang sarili.
8 Binihisan siya ng malinis at puting-puting lino."
Ang lino ay ang mabubuting gawa ng mga hinirang ng Diyos.
9 At sinabi sa akin ng anghel, “Isulat mo ito: pinagpala ang mga inanyayahan sa kasalan ng Kordero.” Idinugtong pa niya, “Ito ay tunay na mga salita ng Diyos.”
🌾Ang Lalaking Ikakasal
Si Jesus ang lalaking ikakasal. Siya lamang ang nag-iisang Kordero. Siya ang nag-iisang Diyos.
☘️Pahayag 21:9
Ang isa sa pitong anghel na may dalang pitong mangkok na punô ng pitong huling salot ay lumapit sa akin. Sabi niya, “Halika, at ipapakita ko sa iyo ang babaing mapapangasawa ng Kordero.”
☘️Mateo 9:15
Sumagot siya [Jesus], “Dapat bang malungkot ang mga panauhin sa kasalan habang kasama pa nila ang lalaking ikinasal? Kapag wala na ito, saka pa lamang sila mag-aayuno.
☘️Isaias 54:5
Sapagkat ang Lumalang sa iyo ay ang asawa mo, ang pangalan niya'y Yahweh na Makapangyarihan sa lahat.
Ang tagapagligtas mo ay ang Banal na Diyos ng Israel, kung tawagin siya'y Diyos ng buong sanlibutan.
☘️Isaias 62:5
Tulad ng isang binatang ikinakasal sa isang birhen, ikaw ay pakakasalan ng sa iyo ay lumikha, kung paanong nagagalak ang binata sa kanyang kasintahan, ganoon din ang kagalakan ng Diyos sa iyo.
☘️Hosea 2:16
“At sa araw na iyon,” sabi ni Yahweh, “Ang itatawag mo sa akin ay ‘Aking Asawa,’ at hindi mo na ako tatawaging ‘Aking Baal.’
🌾Ang Babaeng Ikakasal
Ang iglesya ay ang babaeng nakatakdang ikasal sa Kordero. Ang sinumang tumanggap at nananampalataya kay Jesus, lalaki man o babae, ay miyembro ng iglesya.
☘️Efeso 5:25-27,32
25 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa na gaya ng pagmamahal ni Cristo sa iglesya. Inihandog niya ang kanyang buhay para sa iglesya
26 upang ialay ito sa Diyos, matapos linisin sa pamamagitan ng paghuhugas sa tubig at sa salita.
27 Ginawa niya ito upang ang iglesya ay maiharap niya sa kanyang sarili na nasa kagandahan nito, walang anumang dungis ni kulubot man, banal at walang anumang kapintasan.
32 Mayroon ditong malalim na hiwaga, at sinasabi ko na ito'y tumutukoy sa kaugnayan ni Cristo sa iglesya.
☘️Pahayag 21:2
At nakita ko ang Banal na Lungsod, ang bagong Jerusalem na bumababa mula sa langit buhat sa Diyos, gaya ng isang babaing ikakasal. Siya'y nakabihis at nakahanda sa pagsalubong sa kanyang mapapangasawa.
☘️Juan 3:29
Sa isang kasalan, ang babaing ikakasal ay para lamang sa lalaking ikakasal. Ang abay na naghihintay sa pagdating ng lalaking ikakasal ay lubos na nagagalak kapag narinig niya ang tinig nito. Gayundin naman, lubos na ang aking kagalakan ngayon.
Ang ugnayan ni Cristo Jesus sa iglesia ay malalim kung mauunawaan. Ang kasalan ng Kordero at ng iglesia ay nagpapakita ng pagiging isa nila.
Galacia 3:26-29
26 Dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Si Cristo mismo ang inyong isinuot na parang damit nang kayo'y nabautismuhan sa inyong pakikipag-isa sa kanya.
28 Wala nang pagkakaiba ang Judio at ang Griego, ang alipin at ang malaya, ang lalaki at ang babae. Kayong lahat ay iisa na dahil sa inyong pakikipag-isa kay Cristo Jesus.
29 At kung kayo'y kay Cristo, kayo'y mga anak ni Abraham at tagapagmana ng mga pangako ng Diyos.
🌾 Ang Puting Kasuotan
Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, si Cristo Jesus na mismo ang isinuot na parang damit.
Dahil dito ang kasuotan na sumisimbolo sa mga mabubuting gawa na bunga ng kaligtasan at katuwiran na isinuot ng Diyos sa Kanyang mga hinirang ay nagiging hayag sa buhay natin.
Ang magtatagumpay na mapanatiling malinis ang kanyang kasuotan hanggang sa araw ng kasalan ay mananatili rin ang pangalan sa aklat ng buhay. Sa gayon, siya ay makatatanggap ng katuparan ng buhay na walang hanggan.
Ang pagpapanatili sa puting kasuotan ay hindi mo magagawa sa sariling kakayahan lamang. Hingin mo ito sa Diyos at Kanya rin naman itong ibibigay sayo.
☘️Ezekiel 16:8
“Nang madaanan kitang muli, nakita kong ikaw ay handa nang umibig. Kaya ibinalabal ko sa iyo ang aking kasuotan upang matakpan ang iyong kahubaran. Nangako ako sa iyo nang buong katapatan. Nakipagtipan ako sa iyo, at ikaw ay naging akin.
☘️Isaias 61:10
Buong puso akong nagagalak kay Yahweh. Dahil sa Diyos ako'y magpupuri sapagkat sinuotan niya ako ng damit ng kaligtasan, at balabal ng katuwiran, gaya ng lalaking ikakasal na ang palamuti sa ulo'y magagandang bulaklak, gaya ng babaing ikakasal na nakasuot ng mga alahas.
☘️Pahayag 3:4-6,18
4 “Ngunit may ilan sa inyo diyan sa Sardis na napanatiling walang dungis ang kanilang damit, kaya't kasama ko silang maglalakad na nakasuot ng puting damit sapagkat sila'y karapat-dapat.
5 Ang magtatagumpay ay dadamitan ng puti, at hindi ko kailanman buburahin sa aklat ng buhay ang kanyang pangalan. Kikilalanin ko siya sa harap ng aking Ama at ng kanyang mga anghel.
6 “Ang lahat ng may pandinig ay makinig sa sinasabi ng Espiritu sa mga iglesya!”
18 Kaya nga, ipinapayo kong bumili ka sa akin ng purong ginto upang ikaw ay maging tunay na mayaman. Bumili ka rin sa akin ng puting damit upang iyong isuot at matakpan ang nakakahiya mong kahubaran. Bumili ka rin sa akin ng gamot na ipapahid sa iyong mata upang ikaw ay makakita.
(Maaring basahin ang buong Pahayag 3)
🌾Mateo 22:14
Pagkatapos nito'y sinabi ni Jesus, "Marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili."
Ang lahat ay iniimbitahan ng Diyos sa Kanyang kaharian. Tinatawag Niya na magsisi sa kanilang mga kasalanan at manalig sa Kanya. Ngunit, hindi lahat sa mga inimbitahan na ito ay tumugon sa Diyos. Hindi rin lahat ng tumugon sa kanyang imbitasyon ay natagpuang karapat-dapat dahil hindi nila napanatiling walang dungis ang kanilang kasuotan.
🌾Ang Bayang Pinili
Ikaw ay tinawag ng Diyos. Kung naniniwala kang pinili ka Niya para sa Kanyang kaharian, mamuhay ka bilang taong hinirang ng Diyos na may malinis na kasuotan.
☘️1 Pedro 2:1-10
1 Kaya nga, talikuran na ninyo ang lahat ng kasamaan, ang lahat ng pandaraya, pagkukunwari, pagkainggit at paninirang-puri.
2 Gaya ng sanggol, kayo'y manabik sa dalisay na gatas na espirituwal upang lumago kayo tungo sa kaligtasan,
3 sapagkat “Naranasan na ninyo ang kabutihan ng Panginoon.”
4 Lumapit kayo sa kanya, sa batong buháy na itinakwil ng mga tao ngunit pinili ng Diyos at mahalaga sa kanyang paningin.
5 Tulad ng mga batong buháy, maging bahagi kayo ng isang templong espirituwal. Bilang mga paring itinalaga para sa Diyos, mag-alay kayo sa Diyos ng mga handog na espirituwal na kalugud-lugod sa kanya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo,
6 sapagkat sinasabi ng kasulatan,
“Tingnan ninyo, inilalagay ko sa Zion ang isang batong-panulukan, pinili at mahalaga; hindi mapapahiya ang sinumang sumasampalataya sa kanya.”
7 Kaya nga, mahalaga siya sa inyong mga sumasampalataya sa kanya, ngunit sa mga hindi sumasampalataya, natutupad ang mga ito:
“Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ng bahay ang siyang naging batong-pundasyon.”
8 At "Ito ang batong katitisuran ng mga tao, batong ikadadapa nila.”
Natisod sila sapagkat hindi sila sumunod sa salita ng Diyos; ganoon ang nakatakda para sa kanila.
9 Ngunit kayo ay isang lahing pinili, mga maharlikang pari, isang bansang hinirang, bayang pag-aari ng Diyos, pinili upang magpahayag ng mga kahanga-hangang ginawa niya. Siya ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman patungo sa kanyang kahanga-hangang kaliwanagan.
10 Kayo'y hindi bayan ng Diyos noon; ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon ay hindi kayo nakatanggap ng habag, ngunit ngayo'y tumanggap na kayo ng kanyang habag.
Sapagkat kung mamumuhay ka ng taliwas sa buhay ng dapat mayroon ang isang hinirang ng Diyos, hindi ka magiging karapat-dapat sa Kanyang kaharian. Katulad mo ay taong tumanggap sa Diyos ngunit nanatili pa din sa kasalanan.
☘️Mateo 22:13
kaya't sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Talian ninyo ang kanyang kamay at paa, at itapon siya sa kadiliman sa labas. Doo'y mananangis siya at magngangalit ang kanyang mga ngipin.’”
Iyan ang sinasabi ng Roma 6:23,
Sapagkat kamatayan ang kabayaran ng kasalanan, ngunit ang walang bayad na kaloob ng Diyos ay buhay na walang hanggan sa pamamagitan ni Cristo Jesus na ating Panginoon.
🎯 Matapos mo itong basahin, ano ang desisyon mo?
Handa ka bang tanggapin ang imbitasyon sayo ni Jesus? Nais mo bang mapabilang sa iglesia na ikakasal sa Kanya?
Tinatawag ka ni Jesus,
☘️Pahayag 3:20
Tingnan mo! Nakatayo ako at kumakatok sa pintuan. Kung diringgin ninuman ang aking tinig at bubuksan ang pinto, papasok ako at kakain akong kasalo niya.
☘️Juan 3:16
Sapagkat gayon na lamang ang pag-ibig ng Diyos sa sangkatauhan, kaya't ibinigay niya ang kanyang kaisa-isang Anak, upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay hindi mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Panalangin
🙏 Panginoon, maaaring ilang beses mo na akong iniimbitahan pero hindi ko napapansin. Patawarin mo ako. At kung ilang beses na akong umayaw sa mga imbitasyon ng lingkod mo, patawad po. Naging abala ako sa maraming bagay at hindi ko naunawaan ang labis na pag-ibig mo sa akin.
Nagpapakumbaba ako sa iyong harapan. Tinatanggap ko ang Panginoong Hesus bilang aking Diyos at Hari. Maghari ka sa aking isipan, puso at buhay mula ngayon.
Linisin mo ang aking kasuotan. Isuot mo sa akin ang damit ng kaligtasan at ang balabal na iyong katuwiran.
Gawin mo akong handa sa araw ng kasalan tulad ng isang babaing ikakasal.
Maraming salamat po sa iyong pagmamahal at pagtanggap sa akin. Sa pangalan ng Panginoong Hesus. Amen.
🌾Ano ang dapat gawin?
1. Buong pusong tanggapin ang imbitasyon ni Jesus
✔️Huwag mag-alinlangan kay Jesus. Manampalataya sa Kanya bilang iyong Diyos.
✔️Magsisi at tumalikod sa kasalanan.
✔️Maging handa na ibigin si Jesus nang una at higit sa lahat. Ang sinumang umiibig sa Kanya ay sumusunod sa Kanya.
2. Ihanda ang sarili sa araw ng kasal
Magaganap ang kasalan sa Kaharian ng Diyos. Kailangan kang maging handa bilang isang babaeng ikakasal.
Ano nga ba ang dapat gawin bilang paghahanda? Isipin mo na lang kung ikakasal ka, ano ang mga paghahanda na iyong gagawin para sa isang engrande at masayang kasalan?
✔️Pagtibayin ang isang malapit at malalim na relasyon sa Diyos sa pamamagitan ng palagiang pananalangin at pag-aaral ng Biblia. Huwag din kaligtaan ang pagdalo sa pagtitipon tulad ng utos ng Diyos.
✔️Matiyagang magbantay at maghintay.
3. Isuot ang malinis at tamang kasuotan na karapat-dapat sa harapan ng Diyos
✔️Manatili sa Kanyang kabanalan. Hilingin ang katuwiran ng Diyos na siyang maghari sa iyong buhay.
✔️ Mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos bilang Kanyang hinirang.
Yahweh!
Yahweh, God of the Israelites, whose name was revealed to Moses as four Hebrew consonants (YHWH) called the tetragrammaton. ... Thus, the tetragrammaton became the artificial Latinized name Jehovah (JeHoWaH).
https://www.britannica.com


Comments
Post a Comment